Home METRO 2 patay sa away-pamilya sa Basilan

2 patay sa away-pamilya sa Basilan

MANILA, Philippines – Dalawa katao ang nasawi sa magkahiwalay ng insidente ng pagpatay dahil sa away-pamilya sa mga bayan ng Al Barka at Tipo-Tipo, Basilan, ayon kay Brigadier General Alvin Luzon, commander ng 101st Army Brigade.

Bandang 1:30 ng hapon sa Sitio Bohe-Lunang, Barangay Kailih ng Al Barka, ay nakarinig umano ng putok ng baril ang isang residente na si Sonny Abdulgani, 33-anyos.

Nang puntahan nito ang bahay kung saan narinig ang putok ng baril ay bigla na lamang siyang pinaputukan ng hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan.

Nagtamo siya ng mga tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagdulot ng agaran niyang kamatayan.

Agad na nirekober ng pamilya ni Abdulgani ang katawan ng biktima sa crime scene at inilibing batay sa paniniwalang Islam.

Samantala, bandang 1:40 ng hapon sa kaparehong araw ay may nangyari ring barilan sa pagitan ng dalawang magkaaway na pamilya sa Barangay Bohe Baca, Tipo-tipo, Basilan.

Sangkot dito ang pamilya Muslimin at Barahim. Nagresulta ito sa pagkasawi ni Kambal Taha, isang tagasunod ng Muslimin clan.

Hindi pa makumpirma ni Luzon kung may nasawi sa pamilya ni Barahim.

“Security forces in these two towns are on alert to ensure no further retaliatory incidents will take place, following the reported casualties,” ayon kay Luzon.

“The police are also conducting an in-depth investigation to determine the motive in the killing of Abdulgani as well as to identify the suspects,” dagdag pa niya. RNT/JGC