MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kritikal na papel ng transparency, accountability, at inclusivity sa pagsusulong ng good governance na dapat simulan sa barangay level.
Ginawa ng senador ang pahayag sa kanyang pagdalo sa 1st Provincial Congress ng Liga ng mga Barangay-Catanduanes Chapter na ginanap sa Royce Hotel sa Clark Freeport Zone, Pampanga noong Martes.
May temang “Transparency, Accountability, and Inclusivity: Paving the Way for Good Governance,” layon nitong bigyan ng mahalagang kasanayan at kaalaman ang mga lokal na pinuno, kabilang ang mga barangay captain, kagawad, secretary, treasurers, at Sangguniang Kabataan (SK) sa paghahatid ng serbisyo-publiko sa kani-kanilang komunidad.
Umaabot sa 235 delegado mula sa buong Catanduanes ang dumalo sa aktibidad.
Sa pagharap sa mga opisyal at manggagawa ng barangay, inihayag ni Go ang kanyang suporta sa mga patakarang naglalayong mapabuti ang kanilang kapakanan bilang mga pangunahing frontliner ng gobyerno.
Sinabi ni Go na ang nasabing tema ay hindi lamang gabay kundi isang paalala sa lahat na may tungkuling maglingkod nang may integridad at tapat sa mga nasasakupan.
Anang senador, ang dedikasyon at pagsusumikap ng barangay upang maghatid ng serbisyong may malasakit ay tunay na kapuri-puri.
“Kayo ang unang tinatakbuhan ng ating mga kababayan. Kayo ang tulay nila para makarating ang mga hinaing nila sa amin at kritikal ang inyong papel sa pagtataguyod ng kapakanan ng bawat isa,” ani Go.
Sa kanyang talumpati, binanggit ni Go ang kanyang inihain na Senate Bill 197, o ang Magna Carta for Barangay.
Sa panukalang batas, ang mga opisyal ng barangay, kabilang ang punong barangay, mga miyembro ng Sangguniang Barangay, ang SK chairperson, ang barangay secretary, at ang barangay treasurer, ay tatanggap ng katulad na pagtrato bilang mga regular na empleyado ng gobyerno.
Nangangahulugan ito na sila ay tatanggap ng suweldo, benepisyo, at allowance, bukod sa iba pang perks kung ito ay magiging batas.
Isinusulong din ng senador ang kapakanan ng mga barangay health worker, sa pamamagitan ng inihain niyang SBN 427, o ang Barangay Health Workers Benefits Act.
Kung maisasabatas, bibigyan ang mga BHW ng buwanang honorarium, kasama ang komprehensibong pakete ng benepisyo, allowance, security of tenure, regular na pagsasanay, at pagkakataon umunlad ang kasanayan. RNT