MANILA, Philippines – Dalawang Vietnamese national ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y illegal practice ng medisina.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang dalawang Vietnamese na sina Linh Khanh Tran at Hong Thi Tran na naaresto noong Disyembre 4 sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ng NBI sa Bliss Clinic sa Makati City.
Bigo namang makapagpakita ng anumang lisensya, permit o awtorisasyon upang magsagawa ng anumang medical procedure.
Nakumpiska sa operasyon ang marked money, order forms, improvised receipts, medisina at medical paraphernalia na magagamit bilang ebidensya laban sa suspek.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang ahensya ng impormasyon na may kinalaman sa ilegal na pagsasagawa ng medisina na ginagawa ng isang babaeng Vietnamese national sa isang beauty clinic.
Ang mga naaresto ay kinasuhan sa Makati City Prosecutor’s Office ng illegal practice of medicine na labag sa Section 10 in relation to Section 28 of Republic Act (RA) No. 2382, the Medical Act of 1959. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)