Home OPINION PAGBUO NG KADIWA STORE NG DA AT KABUHAYAN NG DOLE PINAIGTING

PAGBUO NG KADIWA STORE NG DA AT KABUHAYAN NG DOLE PINAIGTING

NITONG ika-6 ng Disyembre 2024, pormal na nagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture (DA) na pahusayin ang Integrated Livelihood Program (DILP) o ang programang “Kabuhayan” ng DOLE at ang proyektong KADIWA Store ng DA.

Pinagtibay ang pagtutulungan sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan nina DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma at DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., na magpapalakas sa implementasyon ng parehong programang pangkabuhayan at tindahan sa pagtataguyod ng napapanatiling oportunidad at pag-unlad ng ekonomiya.

“Sa pinaigting na partnership ng DA at DOLE, mas maisusulong sa pamamagitan ng mga tindahan ng KADIWA ng Pangulo na mabigyan ng oportunidad ang mga benepisyaryo ng DILP at upang higit na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya,” pahayag ni Secretary Laguesma sa kanyang mensahe.

“Sa mga magsasaka at mangingisda bilang manggagawa ng sektor ng agrikultura, ang mga nasa impormal na sektor, gayundin ang mga miyembro ng labor unions na pangunahing bahagi ng aming constituency, at iba pang asosasyon– nakikita namin na ang programang ito ay kanilang pakikinabangan at makatutulong nang malaki,” dagdag niya.

Kabilang sa mga layunin ng proyekto ng KADIWA ay pataasin ang kita ng maliliit na magsasaka; palawakin ang merkado ng mga benepisyaryo; bigyan ang mga maralitang tagalungsod at kanilang mga pamilya ng abot-kaya, sariwa, at de-kalidad na produktong agrikultura at isda; at tiyakin ang katatagan ng presyo at tuloy-tuloy na suplay ng mga pangunahing bilihin.

Samantala, layunin naman ng DILP na bigyan ang mga mahihina at marginalized na manggagawa ng mas magandang oportunidad pang-ekonomiya sa pamamagitan ng in-kind grant na nagkakahalaga ng hanggang P50,000 para sa mga indibidwal at hanggang P3 milyon para sa mga grupo para tulungan silang magsimula o mapalago ang kanilang mga proyektong pang-negosyo.

Batay sa MOU, tutukuyin at ieendorso ng DOLE sa DA ang mga grupong-benepisyaryo ng DILP na may mga proyektong pangkabuhayan, kabilang ang asosasyon at mga unyon ng manggagawa, at ibibigay ang mga paketeng serbisyo sa ilalim ng DILP.

Makikipag-tulungan din ang DOLE sa DA para sa pag-uugnay ng mga posibleng supplier, pagtatayo ng mga tindahan ng KADIWA, at mga kinakailangan sa marketing at logistic operations.

Sinabi ni Secretary Laguesma na ang partnership ay bilang pagsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., hinggil sa pagsasama-sama ng mga programa ng pamahalaan para sa pinakamainam na alokasyon ng tulong sa mga karapat-dapat na benepisyaryo.

Para kay DA Secretary Laurel, ang partnership ay “nagpapakita ng iisang pananaw sa paglikha ng napapanatiling kabuhayan at pagpapabuti ng kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, at mga mamimili.”

“Ang mga pagsisikap na ito ay hindi lamang magpapalawak sa maaabot ng ating mga inisyatiba, kundi pati na rin ang pagpapatatag at pagiging produktibo ng ating sektor ng agrikultura habang itinataas ang kalidad ng buhay ng mga manggagawang Pilipino,” aniya.

“Sa pamamagitan ng pagbuo ng mga partnership na tulad nito, pinagtitibay namin ang aming pangako na maabot ang mga pinakamahinang sektor, pagtitiyak sa inklusibong paglago ng ekonomiya at seguridad sa pagkain para sa lahat,” dagdag niya.