Home NATIONWIDE Panganib ng collectible toys ibinabala ng FDA

Panganib ng collectible toys ibinabala ng FDA

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) na nagdudulot ng panganib ang mga collectible toys o mga maliliit na laruan.

Pinaalalahanan ng FDA ang publiko tungkol dito habang tumataas ang katanyagan ng mga item lalo na sa panahon ng pagbibigay ng regalo.

Bagamat nasa hustong gulang ang target ng mga naturang produkto, sinabi ng FDA na ang mga makukulay na miniature na replika ng mga iconic na character, sasakyan, at bagay ay nakakaakit sa mga bata.

Ang mga magulang, tagapag-alaga at iba pang mga nasa hustong gulang ay pinapayuhan na iwasan ang pagbibigay ng mga collectible toys na may maliliit na nababaklas na bahagi sa mga batang wala pang tatlong taong gulang.

Upang gabayan ang mga mamimili sa pagsuri sa maliliit na bahagi na maaaring sanhi ng choking hazard, ang FDA ay bumuo ng isang anti-choking tester na tinatawag na “Choke Guard” na maaaring ma-access sa https://bit.ly/ChokeGuard.

Dapat ding gawa ang mga ito mula sa hindi nakakalason, walang lead, at walang phthalate na materyales.

Pinayuhan ng FDA na ang mga nakolektang laruan ay dapat na nakaimbak sa isang ligtas na lugar na hindi maabot ng mga bata. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)