Home NATIONWIDE 2 Pinoy nursing assistant nakulong sa US sa pagdepensa sa sarili

2 Pinoy nursing assistant nakulong sa US sa pagdepensa sa sarili

MANILA, Philippines – Idinepensa lamang umano ang kanilang sarili ang dalawang Filipino nursing assistant na nakulong sa US dahil sa pananakit sa pasyente sa isang rehabilitation facility, ayon sa isang grupo na sumusuporta sa mga Filipino migrant workers.

Ayon sa grupo, may history ng aggressive behavior ang 52 anyos na pasyenteng sinaktan umano ng dalawang Pinoy. Ayon pa sa grupo, ang pasyente ang unang umatake sa dalawang nursing assistant.

Sinabi ng Migrante New Jersey na tinangka ng isa sa nursing assistant na ipatupad ang ‘no smoking policy’ ng pasilidad nang maging agresibo ang pasyente.

Inihagis umano ng pasyente ang lamesa sa nursing assistant dahil sa galit habang sinusunod nito ang protocol upang pigilin ang pasyente ngunit nakipambuno dahilan para masugatan sa kamay.

Inaresto ng US Immigration at Customs Enforcement (ICE) ang dalawa kasunod ng insidente na nangyari noong Okt. 14.

Ayon kay Vice Consul Paolo Marco Mapula, ang Supervising Officer ng Assistance-to-Nationals unit sa Philippine Consulate sa New York, tinutulungan at minimonitor na ang kaso ng dalawang Pinoy nursing assistant.

Humiling din ang konsulado ng pondo para matulungan ang dalawang Pinoy sa kanilang legal fees.

Ang isa sa kanila ay nakadetine sa Strafford County Correctional Facility sa New Hampshire na isang undocumented habang ang isa pa na na nasa ilalim ng work permit ay nakakulong sa ICE detencion facility.

Ngayong muling nahalal bilang Presidente ng US si Donald Trump, maraming Filipino na illegal na naninirahan sa US  ang nababahala sa campaign promise nito na ilunsad ang mass deportaion ng mga undocumented immigrants. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)