MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Justice na isailalim sa Witness Protection Program (WPP) si retired police colonel Royina Garma.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na itinuturingnsi Garma na isang napakahalagang testigo ng House of Representatives Quad-Committee na nagiimbistiga sa illegal drugs operations noong panahon ng Duterte administration.
Iginiit ng kalihim na iaalok sa dating police official ang pagiging state witness sa kabila ng pag-alis nito ng bansa patungo ng Estados Unidos kung saan ito naharang at isinailalim sa kustodiya ng US Immigration and Naturalization Services (US-INS) kasama ang anak na si Angelica.
Hindi rin malinaw ang dahilan kung bakit pilit na tinangka ni Garma na magtungo sa Amerika gayung August pa lamang ay “denied entry” na siya dahil sa kanseladong visa.
Ang pagkakansela sa kanyang US visa ay posibleng dahil umano sa ipinapatae na sanctions ng Amerika sa human rights violators.
Magugunita na sa pagdinig ng House quad committee, inakusahan ni Garma si dating pangulong Duterte ng pagpapatupad reward system sa mga makakapatay ng drug suspects sa drug war campaign.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na ang Bureau of Immigration sa US-INS para sa pagpapa-deport kay Garma at sa anak nito. Teresa Tavares