MANILA, Philippines – Ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Japanese fugitives pabalik ng Tokyo, Japan noong Hulyo 29 upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanila.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga ito na sina Takeuchi Kazuo, 57, at Nishiwaki Yutaka, 44.
Si Takeuchi ay inaresto sa Pilipinas noong Hulyo 2023 matapos ipaalam ng mga awtoridad ng Japan na tumakas siya patungo sa bansa. Nahaharap siya sa mga kasong robbery resulting in bodily injury at theft.
Si Nishiwaki naman ay naaresto noong Enero 2026 sa isang joint operation ng BI, Philippine National Police, at National Police Agency of Japan. Ayon sa BI, nagpapanggap umano siyang law enforcement officer upang malinlang ang mga matatandang biktima at makuha ang kanilang ATM cards at bank information.
Sinabi ng BI na si Nishiwaki ay miyembro ng Luffy syndicate, isang transnational criminal organization na umano’y kumita ng mahigit 1 bilyong yen mula sa pagnanakaw, panloloko, at iba pang ilegal na gawain habang nag-ooperate mula sa Pilipinas.
Ayon kay Viado, mahalaga ang pakikipagtulungan ng Pilipinas at Japan upang hindi magamit ang Pilipinas bilang kanlungan ng mga dayuhang kriminal at sindikato. RNT/MDS