MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of the Ombudsman na sinusuri pa nito kung sapat ang maaaring maibigay na testimonya ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng mga kaso sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, maaari lamang maging state witness si Bonoan kung mahalaga ang kanyang testimonya.
“Kung ang value ng kanyang testimony ay hilaw, ‘wag na lang. Ituloy na lang namin ‘yung kaso sa kanya,” sabi ni Remulla.
“We’re still trying to get everything that he can contribute. There are some answers that we’re not able to get from him.”
Nauna nang sinabi ng Ombudsman na maaaring gamitin ang testimonya ni Bonoan laban kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez. Kung hindi ito magiging sapat, haharap pa rin si Bonoan sa plunder at graft charges kaugnay ng umano’y budget insertions para sa flood control projects.
Samantala, iginiit ng Ombudsman na malinaw at magkakatugma ang mga indibidwal na affidavit ng 18 dating bodyguards ni resigned Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, lalo na tungkol sa umano’y cash deliveries ni Co kay Romualdez.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, may mga isyu sa kredibilidad ang kanilang joint affidavit, ngunit napatunayang mas malinaw ang kanilang magkakahiwalay na salaysay at may independent supporting evidence na sumusuporta sa kanilang mga pahayag.
Sina Romualdez at Co ay nahaharap sa mga reklamong plunder, graft, at bribery kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo para sa flood control projects, at ang mga kaso ay nasa preliminary investigation pa lamang. RNT/MDS