MANILA, Philippines – Tinapos ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang kasong may kaugnayan sa insidente ng road rage sa Valenzuela City matapos maglabas ng desisyon na sibakin sa serbisyo ang dalawang pulis-Maynila na umano’y nagmaltrato at nagbanta sa buhay ng isang traffic enforcer.
Matatandaang naganap ang insidente noong Hulyo 14, 2024, bandang alas-4:00 ng madaling araw sa M.H. Del Pilar, Brgy. Mabolo, Valenzuela City, nang tangkaing sitahin ng 42-anyos na traffic enforcer na si Ronald David ang dalawang pulis na sakay ng motorsiklo nang walang helmet.
Hindi pa man nakakababa ng kanyang motorsiklo si David nang lapitan na siya ng naka-angkas na si Camacho at tinusok sa sikmura gamit ang hawak nitong baril, dahilan upang matumba ang motorsiklo ng biktima sa sobrang sakit.
Bumaba rin ang drayber ng motorsiklo na si Cabudoy at tinutukan ng baril si David habang sinisigawan ng:
“Gusto mo, patayin na kita rito?”
Naawat lamang ang dalawa nang dumating ang kasama nilang pulis na si P/Cpl. James Dela Peña, na siyang namagitan at tumulong sa biktima upang makaalis sa lugar.
Ang insidente ay nakuhanan ng CCTV, na ginamit bilang matibay na ebidensiya laban sa dalawang pulis sa isinampang kasong administratibo.
Bukod sa hatol ng PLEB, pinatawan din ng Metropolitan Trial Court ng kaukulang parusa ang dalawa sa kasong kriminal:
Si Camacho ay makukulong ng hanggang 20 araw at magbabayad ng P5,000 bilang danyos.
Si Cabudoy naman ay makukulong ng hanggang apat (4) na buwan at magbabayad ng P10,000 na danyos.
Pinuri ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian at Napolcom Commissioner Atty. Rafael Vicente Calinisan ang naging desisyon ng PLEB, sa pangunguna ni Councilor Ricar Enriquez, sa pagtitiyak na papanagutin ang mga pulis na nagkasala.
“Maliwanag ang mensahe: ang sinumang lalabag sa batas—pulis man o sibilyan—ay dapat panagutin,” ani Calinisan. Merly Duero