CITY OF ILAGAN, Isabela- Himas-rehas ang dalawang akusado sa panggagahasa na tinaguriang Top Most Wanted Person sa magkahiwalay na pagsilbi ng warrant of arrest sa probinsya ng Isabela.
Una rito, matagumpay na napasakamay ng mga awtoridad ang isang tricycle driver na si alyas Fernando sa Brgy. Raniag, Ramon, Isabela, natukoy na Top 7 Regional Level Most Wanted Person, na nahaharap sa tatlong magkakahiwalay na kaso ng panggahasa: dalawang beses na Sexual Assault na may piyansang tig-P200,000, limang beses na kasong Statutory Rape at isang beses na kasong panggagahasa na walang kaukulang piyansa.
Pansamantalang nasa kustodiya ng CIDG Santiago City Field Unit sa pamunuan ni PMaj. Arnel Talattad, team leader ng lead unit sa pag-aresto sa suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay sa korteng pinagmulan.
Samantala, naaresto rin sa parehas na operasyon ng pulisya ang tinaguriang Top 1 Most Wanted Person sa Baguio City na si alyas Balong na akusado sa tatlong beses sa kasong rape na nadakip sa Brgy. Sta. Catalina, Quirino, Isabela.
Posibleng habambuhay na pagkabilanggo ang kaharapin ng akusado dahil walang inirekomendang piyansa ang korte.
Nasa kustodiya ng Quirino Police Station ang akusado habang inihahanda ang mga dokumento bago ipasakamay sa korteng pinagmulan.
Pinuri ni PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, ang kapulisan sa matagumpay na pagkaaresto ng dalawang akusado sa panggahasa. Rey Velasco