Home OPINION SEN. PADILLA NAGHAIN NG “ANTI-DYNASTY” BILL SA SENADO

SEN. PADILLA NAGHAIN NG “ANTI-DYNASTY” BILL SA SENADO

161
0
BILANG pagsunod sa mandato ng 1987 Philippine Constitution partikular na isinasaad sa Article II, Section 26, naghain nitong July 15, 2024 si Senador Robinhood Padilla ng panukalang batas na nagbibigay depinisyon at nagbabawal sa political dynasties sa bansa.
Ayon kay Sen. Padilla na siyang chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes napapanahon na para basagin ang mga hadlang na pumipigil sa pinakamahuhusay at pinakamatatalino na maglingkod sa ba­yan.
Ipinaliwanag ng senador na ang kanyang ipinanukalang Senate Bill No. 2730 ay naglalayong maging patas ang labanan sa pulitika sa pambansa, panglalawigan, panglungsod, at pambayang mga posisyon.
Sa nakalipas na 37 years na hindi nagkaroon ng batas ukol sa political dynasty ay iilang pamilya ang nag-dominante sa maraming lugar, ipinapamana ng nakaupong opisyal ang posisyon sa kanyang miyembro ng pamilya o kaanak.
Nakasaad sa panukalang batas ang pagbabawal sa asawa o kaanak hanggang fourth degree of consanguinity or affinity, lehitimo man o hindi, isang incumbent elective official na muling tatakbo sa kaparehas na posisyon, na tumakbo sa anomang tanggapan sa kaparehas na lalawigan, lungsod, bayan o party list position.
Hindi rin puwedeng tumakbo sa kapwa pinagmulang lala­wigan, lungsod o bayan ang kaanak na may nakaupo sa national elective positions ngunit maaari sa ibang lugar.
Ipinagbabawal din sa sinomang politiko na palitan ng kamag-anak sa kanyang puwesto. Kinakailangan ng bawat tatakbo ang paghahain ng sworn statement sa Commission on Elections (COMELEC) na nagpapatunay na siya ay hindi nabibilang sa political dynasty.
Maaaring gamitin bilang rason sa paghahain ng diskwali­pikasyon ang pagiging kabilang sa political dynasty na diringgin at pagdedesisyunan ng COMELEC.
Kung saka-sakaling hindi pa nakapaglalabas ng desisyon ang poll body hanggang sa araw ng eleksyon, patuloy na bibi­langin ang boto ng nasabing kandidato, at kung sakaling manalo sa posisyong tinakbuhan, isususpinde ng COMELEC ang kan­yang proklamasyon hanggang sa magkaroon ng desisyon pabor man o kontra.
Kung sakaling nadiskwalipikado ang kandidato bagama’t siya ay naiproklama, mawawalan pa rin siya ng karapatan na umupo sa puwesto.
Binasehan ni Senador Padilla sa kanyang panukalang batas ang naging pag-aaral ng Harvard Academy noong 2011 na nagpapakita kung papaanong pinaglaruan ng mga may salapi at impluwensiya ang mandato ng Konstitusyon at nanatili sa puwesto para mas palakasin ang kanilang kapangyarihan na humahadlang sa bisa ng mga repormang isinusulong ng pamahalaan.
Dagdag pa ng senador, mula 1988 hanggang 2019, dumarami ang bilang ng mga gobernador na mayroong kamag-anak na pulitiko rin sa parehas na lalawigan. Mula 41% lamang noong 1988 ay nasa 80% na nitong 2019 o pagtaas ng 39%.
Parehas din sa vice governor, mula 18% noong 1988 na nitong 2019 ay nasa 68% na. Ang mayors na mayroon ding kamag-anak sa pulitika ay lumobo mula 26% noong 1988 sa 53% noong 2019.
Sa pag-aaral naman ng Tusalem and Pe-Aguirre noong 2013, napansin nitong lumaki ang pondong inilalaan sa mga lugar na mayroong political dynasties pero ang mga lalawigang ito ay mayroong mataas na antas ng krimen at hindi maayos ang sistema ng pamamahala, at mababa ang inilalaang gastos sa job crea­tion, infrastructure, at health care.

Sa tuwing eleksyon sa bansa na nagaganap tuwing ikatlong taon maliban sa Pangulo at Pangalawang Pangulo na tuwing anim na taon ay naghahalal ang mga botante ng 12 senators, isang party list representative, governor, vice governor, board members, congressman, mayor, vice mayor, at mga konsehal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here