MANILA, Philippines- Inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules na dalawang indibidwal ang inaresto para sa large scale estafa sa Pasay City.
Ayon sa NBI, nagpakilalang pamangkin at ahente ng isang “Mr. Kumar” na umano’y may-ari ng lending company sa complainant, na nagsabing maipoproseso at makakapagbigay ng approval sa cash loan na nagkakahalaga ng P20 milyon kapalit ng facilitation fee.
Sinabi ng complainant na binigyan niya ang isa sa mga suspek ng Hermes Birkin 35 raisin Clemence at gold hardware na tinatayang nagkakahalaga ng P500,000 bilang facilitation fee.
Nagbigay din umano ang biktima ng mamahaling bag, alahas, at iba pang gamit na nagkakalahaga ng P11.8 milyon.
Gayunman, sinabihan ang complainant ng kanyang kabigan na si Mr. Kumar ay hindi nagmamay-ari ng lending company at nakausap din ang totoong Mr. Kumar na nagsabing hindi siya ang taong nakatransaksyon nito.
Nang muling humirit ang suspek ng P42,000 sa complainant para sa release ng kanyang loan, agad na itong naghain ng reklamo sa NBI at hiniling ang entrapment operation na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Sa hot pursuit operation, naaresto rin ang kasabwat ng suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa Large -Scale Estafa at Cybercrime Prevention Act at computer related identity theft sa Pasay City Prosecutor’s Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden