Home METRO 2 sports car na namataan sa Manila, Kabite tinutunton ng BOC

2 sports car na namataan sa Manila, Kabite tinutunton ng BOC

MANILA, Philippines- Inaalam na ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawa umanong ismagel na Bugatti sports car na kamakailan ay nakitang gumagala sa mga lansangan ng Metro Manila at Cavite.

Sinabi ng BOC na inirekomenda ni Deputy Commissioner for Customs Intelligence Group Juvymax Uy ang pagpapalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa dalawang Bugatti Chiron sports car na nakita sa dalawang lugar, sa pamamagitan ng mga post sa social media.

Sinabi ng BOC na sumang-ayon si Commissioner Bien Rubio sa pag-iisyu ng WSD dahil may “derogatory information” tungkol sa mga sasakyan noon pang Nobyembre 2023.

Nabatid na nagsasagawa na ng case build-up ang Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP).

“The CIIS found during the course of the investigation that these vehicles were frequently being seen in the areas of Muntinlupa, Pasig, Pasay, and Cavite. And subsequently, on November 28, 2023, our Management Information System Technical Group (MISTG) confirmed that the motor vehicles do not have any import documents,” ayon kay Uy.

Sinasabing ang unang Chiron ay may plate number na NIM 5448 at ang isa naman ay may NIM 5450, na nakarehistro sa mga dayuhang mamamayan.

Umapela si BOC-CIIS Director Verne Enciso sa publiko na magbigay ng impormasyon tungkol sa mga sasakyan.

“We ask the public to give us any information about these vehicles if they see them. They can reach out to the BOC’s Intelligence Group or through the BOC Cares portal to report any sightings,” ani Enciso.

Hihilingin ng BOC sa mga nagmamay-ari ng mga sasakyan na magpakita ng wastong mga dokumento sa pag-import. Sakaling hindi nila ito magagawa, maaari silang kasuhan ng posibleng paglabag sa Section 1400 kaugnay ng Section 1113 ng Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Nabatid na ang Chiron ay isa sa mga pinakahinahangad na mga sports car sa mundo, na ang produksyon ay karaniwang hindi lalampas sa isang libo. Ayon sa ilang mga magazine ng kotse, ang Chiron ay maaaring magtinda ng hindi bababa sa US$3 milyon, nang walang binabayarang tungkulin sa customs. JAY Reyes