MANILA, Philippines- Sugatan ang dalawang indibidwal matapos sumiklab ang engkwentro sa pamamagitan ng mga awtoridad at mga residente sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa isang murder suspect sa Lanao del Sur.
Naganap ang insidente nitong April 27 sa Barangay Mapantao sa munisipalidad ng Bayang, ayon sa pahayag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Sabado.
Nasakote ang subject ng arrest warrant, kinilalang si alyas Ansari, sinasabing isa sa mga most wanted, ayon sa ulat. Si alyas Ansari ay mayroong warrant of arrest na ipinalabas noong 2019 ng isang korte sa Lanao del Sur, batay sa CIDG.
Narekober mula sa suspek ang caliber 7.62mm M-14 rifle.
Kabilang smga sugatan ang isang patrolman na nagtamo ng tama ng bala, at tiyuhin ng suspek. Dinala sila sa ospital upang gamutin.
Batay sa CIDG, sa kasagsagan ng manhunt operations, nakaengkwentro ng mga operatiba mula sa CIDG Lanao del Sur Provincial Field Unit, Regional Mobile Force Battalion 1402nd at 1403rd Companies, Regional Intelligence Unit 15 at iba pang territorial police units ang humigit-kumulang 15 armadong kalalakihan. RNT/SA