Home HOME BANNER STORY 2 suspek sa Jumalon slay nasakote – PTFoMS

2 suspek sa Jumalon slay nasakote – PTFoMS

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) nitong Sabado ang pagkaaresto sa dalawa sa tatlong pangunahing suspek sa pagpaslang noong November 5, 2023 kay Juan “DJ Johnny Walker” Jumalon.

Sa ulat na natanggap ni PTFoMS Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez mula kay Misamis Occidental police director, P/Col. Dwight Monato, nalambat ang dalawa sa isang police operation sa Barangay Poblacion, Sapang Dalaga, ng naturang lalawigan noong Biyernes, Marso 15.

Kinilala ang mga mag-pinsang suspek na sina Boboy Sagaray Bongcawel, alyas Boboy, 39, binata, mula sa Purok 2, Brgy Manla, Sapang Dalaga; at Renante Saja Bongcawel, alyas Inteng, 39, may asawa, mangingisda at residente ng Purok 1, Bgy. Manla.

Nadakip ang mga suspek ng pinagsanib na pwersa ng Calamba at Sapang Dalaga Municipal Police Stations (MPS) sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder at theft na ipinalabas ni Calamba Executive Judge Michael Lotao Ajoc ng Regional Trial Court Branch 36, 10th Judicial Region.  

Walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Si Boboy ang nakitang nanutok ng baril sa isang empleyado ni Jumalon nang buksan nito ang gate ng bahay ng biktima habang si Inteng naman ang drayber ng motorsiklong ginamit nila sa pagtakas.

“Katuwang ang ating mga partner agencies katulad ng PNP, patunay lang ito na hindi nagpapabaya ang PTFoMS sa mandato nito sa ilalim nmg Administrative Order (AO) No. 1, bilang mekanismo ng gobyerno sa pagtugon sa ano mang insidente ng karahasan at paglabag sa mga karapatan ng ating mga mamamahayag,” wika ni Gutierrez.

Dagdag pa niya, regular ang komunikasyon ng PTFoMS sa tanggapan ni Monato hinggil sa itinatakbo ng imbestigasyon ng SITG DJ Johnny Walker na agarang binuo ng PNP at PTFoMS upang tutukan ang kaso at kung saan si Monato ang itinalagang ground commander.

Kumpiyansa rin si Gutierrez na madarakip din ng SITG DJ Johnny Walker ang gunman na kinilalang si Julito Mangumpit, alyas ‘Ricky.’

“May sinisundan ng mga ‘leads’ ang ating mga imbestigador sa lokasyon ni Mangumpit at naniniwala tayong malapit na rin siyang maaresto.”

Ang resolusyon ng insidente ay isa sa mga prayoridad ng gobyerno batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.–tiyaking mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Jumalon.

Bukod dito, binanggit ni Gutierrez na mismong si Pangulong Marcos ang nag-utos na tutukan ang kaso at huwag titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pamilya ni Jumalon.

Ani Gutierrez, sadyang kapuri-puri ang ipinakitang dedikasyon ng tanggapan ni Monato sa pagtutok nito sa kaso ni Jumalon.

Kamakailan, nagpadala na rin ang PTFoMS ng 50,000 piraso ng ‘wanted flyers’ kay Monato upang ipakalat sa publiko. Inimprenta ang mga nito sa tulong ng APO LADYBUG Unit, Inc.

Naglalaman ang flyers ng computer sketch ni Mangumpit at iba pang detalye katulad ng reward money na P3.7 milyon at kung paano makokontak ang mga awtoridad.

Ang 20,000 piraso naman ng flyers ay ipakakalat ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga pantalan sa Mindanao.

Matatandaang binaril at napatay si Jumalon, anchor at may-ari ng 94.7 Gold community radio station sa Calamba, Misamis Occidental, noong November 5, 2023 habang nagsasagawa ng live broadcast sa loob ng kanyang tahanan na siya ring istasyon ng kanyang radyo. Kris Jose

Previous articleMarcos balik-Pinas na
Next articleDangerous heat indices naitala sa 2 lugar