MISAMIS ORIENTAL- PATAY ang isang 3-buwan sanggol habang sugatan ang mga magulang at kapatid matapos mabangga ng pampasaherong bus ang sinasakyan nilang e-trike nitong Miyerkules, Mayo 8 sa bayan ng Laguindingan.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang sanggol na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang dinala naman sa ospital ang sugatan na mga magulang at 9-anyos na kapatid, na pawang mga hindi pinangalanan at taga Zone 2 Mauswagon, Laguindingan.
Dinakip naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at driver ng bus na kinilalang si Frederick Manlangit, 41-anyos.
Ayon kay PCpl. Henry Afbal, imbestigador ng Laguindingan Municipal Police Station, pauwi na sana ang mga biktima subalit pagdating sa may terminal bigla na lamang silang sinalpok ng bus.
Sa lakas ng pagkakabangga nayupi ang e-trike at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang sanggol na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Nangako naman ang may-ari ng bus na sasagutin ang gastusin ng mga biktima.
Posiblen naman maharap sa patung-patong na kaso ang driver ng bus. Mary Anne Sapico