MANILA, Philippines- Halos P75 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga o shabu ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng MPD-Station 5 at PNP-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa buy-bust operation nitong Huwebes ng gabi sa Ermita, Manila.
Sa nasabing operasyon, dalawa ang naaresto na kinilalang sina Jebrasul Amil y Abubacar, 37-anyos, tubong-Zamboanga at Rodel Nagal Mutia, 45-anyos ng Baccor, Cavite.
Sa ulat ng MPD, ikinasa ang operasyon laban sa mga suspek sa 35th floor Unit 3519 BBB Condominiums, Brgy. 676, Ermita, Manila City.
Tinatayang nasa 11 kilo na aabot sa kabuuang P74,800,000 ang nadiskubre sa operasyon.
Sa nasabing halaga, isang kilo ang buy-bust item habang 10 kilo naman ang nakuha sa pag-iingat ng mga naarestong suspek.
Nakatakdang iturn-over sa PDEG-NCR sa Camp Bagong Diwa ang mga suspek para sa pansamantalang kustodiya at kinakailangang dokumento na ihahain sa City Prosecutor’s Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden