Home NATIONWIDE POGO-drug war allegations, binira ni Bong Go: ‘SARSUELA’

POGO-drug war allegations, binira ni Bong Go: ‘SARSUELA’

MANILA, Philippines- Tinawag na “nilulutong sarsuela” ni Senator Christopher “Bong” Go ang pag-uugnay sa kanya sa mga iligal na operasyon ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) at sa drug war ng administrasyong Duterte upang sirain ang kanyang reputasyon.

Ang pahayag ni Go ay kasunod ng alegasyon kamakailan sa pagdinig ng House of Representatives noong Miyerkules, na nag-iimbestiga sa koneksyon iligal na aktibidad ng POGO, illegal drug trade at war on drugs.

“Parte na naman ito ng sarsuelang niluluto ng ilan upang mamulitika at manira—pilit na nag-iimbento ng istorya na lilinya sa narrative nila upang pinturahan kami ng itim at sila ang pumuti!” iginiit ni Go sa pagsasabing ang mga walang basehang kwento ay para sumakto sa ilang political narrative na sisira sa kanyang pangalan.

Mismo si police officer Jovie Espenido na naimbitahan sa pagdinig bilang resource person, ang nagsabi na wala siyang direktang impormasyon o ebidensya na nag-uugnay sa senador sa anumang POGO-related drug war operations.

“Si Jovie Espenido na mismo ang umamin noong hearing sa HOR na wala siyang direktang impormasyon o ebidensya na makapagsasabi na may kaugnayan ako sa anumang POGO-drug war links,” ani Go na idiniin na ang pahayag ni Espenido ay malinaw na hearsay lamang.

Kinuwestiyon ni Go kung bakit isinama pa ang kanyang pangalan sa affidavit ni Espenido sa kabila ng kawalan ng kapani-paniwalang ebidensya.

Itinanggi ng senador ang anumang pagkakasangkot niya sa POGO o sa anumang sinasabing reward system kaugnay ng drug war.

“Noong Special Assistant to the President pa ako, I never handled any funds related to the drug war and most especially anything from POGO. More so when I became senator in 2019. Kailanman ay hindi ako humahawak o tumatanggap ng pondo o pera mula sa iba. Alam ng mga kasamahan ko sa trabaho ‘yan,” idinagdag ni Go.

Pinabulaanan din niya ang anumang koneksyon sa pagitan ng POGO operations at ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

“Sa totoo lang, hindi naman konektado ang POGO sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. May pilit lang talagang ipinapasok ang narrative ng POGO sa drug war,” paliwanag niya.

Nilinaw pa ng senador na ang anumang suportang ibinibigay sa mga pulis noong administrasyon ni Duterte ay galing sa mga lehitimong pondo at programa ng gobyerno, at naaayon sa batas.

“Definitely, hindi galing sa POGO!” idiniin ni Go.

Sa kanyang kapasidad bilang vice chairperson ng Senate committee on public order, muling iginiit ni Go ang kanyang paninindigan laban sa POGO, lalo na kung ikompromiso nito ang kapayapaan at kaayusan ng bansa.

Kaugnay nito, hinimok ni Sen. Go ang mga kapwa mambabatas na maging masinsin at wala dapat kinikilingan sa kanilang mga imbestigasyon.

“Sa aking kapwa mga mambabatas, maging mapanuri sa kanilang imbestigasyon. Bahagi ng tungkulin natin na alamin ang katotohanan at gumawa ng mga batas na poprotekta sa karapatan ng bawat Pilipino — hindi para manira o mangdawit ng pangalan ng ibang tao base sa tsismis lamang,” sabi ng senador.

Nagbabala rin si Go na hindi siya mangingiming gumawa ng legal na aksyon laban sa mga patuloy na naninira sa kanyang pangalan sa mga walang basehang akusasyon. RNT