Home METRO 2 timbog sa Las Piñas drug ops; ₱340K shabu nasabat

2 timbog sa Las Piñas drug ops; ₱340K shabu nasabat

MANILA, Philippines- Nalambat ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) kabilang ang mga operatiba ng DID, DSOU, DMFB ng Southern Police District (SPD), PDEA-SDO, at ng Las Piñas City police Talon Sub-Station 4 ang dalawang kinikilalang pusher sa ikinasang buy-bust operation Huwebes ng gabi, Agosto 29.

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete ang mga nadakip na suspek na sina alyas Bayan, 37, isang high value individual (HVI), at si alyas Bainot, 32, na street level individual (SLI).

Base sa report na natanggap na ulat ni Rosete, nangyari ang pagdakip sa mga suspek dakong alas-11:45 ng gabi sa kahabaan ng Marcos Alvarez Avenue, Barangay Talon Uno, Las Piñas City.

Ayon kay Rosete, sa ikinasang buy-bust operation ay nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang isang transparent plastic bag na naglalaman ng 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱340,000.

Bukod sa ilegal na droga ay narekober din sa posesyon ng mga suspek ang isang Android phone at ang ₱1,000 na nakapatong sa 54 piraso ng tig-₱1,000 boodle money na ginamit sa naturang operasyon.

Ang nakumpiskang pinaghihinalaang shabu ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa laboratory examination.

Kasong paglabag sa Sections 5 at 26, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinahaharap ng mga suspek na  kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police. James I. Catapusan