MANILA, Philippines- Swak sa kalaboso ang dalawang babaeng sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga matapos kumagat sa ikinasang sa buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas “Janet”, 53, at alyas “Tin-Tin”, 39, kapwa residente ng lungsod.
Ayon kay Col. Baybayan, dakong alas-11:30 ng gabi nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang mga suspek sa kanto ng Rimas at Banana Roads, Brgy. Potrero.
Nakumpiska sa kanila ang nasa 3.2 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P21,760 at buy-bust money.
Bago mahuli ang mga suspek, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SDEU hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga ito at nang positibo ang ulat ay ikinasa nila ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Ani PMSg Kenneth Geronimo, kasong paglabag sa Section 5 (Sale) in relation to Section 26 (Conspiracy) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Article II of R.A. 9165 ang isinampa nilang kaso laban sa mga suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman NPD Director Ligan ang mga operatiba sa kanilang dedikasyon at pagbabantay kung saan ang matagumpay aniyang operasyong ito ay isang patunay sa pangako nila na gawing mas ligtas ang komunidad sa pamamagitan ng pagbuwag sa kalakalan ng ilegal na droga. Merly Duero/Rene Manahan