MANILA, Philippines – PATAY ang dalawang welder matapos umanong ma-trap sa loob ng nasusunog na ginagawang barko sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang mga nasawing biktima na sina Junel Boncodin, 23, at Roberto Dondan, kapwa residente ng Market 3, Brgy., NBBN.
Lumabas sa imbestigasyon na nagwe-welding umano ang mga biktima sa loob ng storage room ng ginagawang barko na matatagpuan sa Tawiran Tres St., Brgy., Daang Hari nang sumiklab ang sunog dakong alas-9:22 ng gabi.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) at fire volunteers subalit, nahirapan umano ang mga ito sa kanilang operasyon dahil medyo confined ang sunog.
Ayon kay Navotas Fire Marshal F/Supt. Ronaldo Sanchez, nahirapan sila makapsok dahil nasa loob ang sunog at limitado lamang umano ang lagusan pati ang mga bintana.
Umabot sa unang alarma ang sunog na idineklarang fire out dakong alas-2:01 ng madaling araw habang natagpuan naman ng mga bombero sa loob ng storage room ng naturang barko ang walang malay na mga biktima na sinubukan pang isalba subalit, patay na ang mga ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog na posible umanong galing sa nagwe-welding habang inaalam pa kung magkano ang naging pinsala at kung may nalabag sa fire safety code ang contractor. Rene Manahan