Home METRO Lalaking maangas sa P’que nasakote sa ‘bakal’

Lalaking maangas sa P’que nasakote sa ‘bakal’

MANILA, Philippines – Arestado ng mga rumespondeng miyembro ng Parañaque Don Bosco police Sub-Station ang isang armadong lalaki matapos maghasik ng takot sa pamamagitan ng panunutok ng baril Martes ng tanghali, Enero 28.

Kinilala ng Parañaque City police ang nadakip na suspect na si alyas Bryan, 41.

Base sa report na isinumite ng Parañaque City police sa Southern Police District (SPD), inaresto ang suspect dakong alas 11:20 ng umaga sa Barangay Moonwalk, Parañaque City.

Nag-ugat ang pag-aresto kay alyas Bryan makaraang makatanggap ng impormasyon ang Don Bosco police Sub-Station na mayroong isang lalaking armado ng baril na naghahamon sa nabanggit na lugar.

Matapos matanggap ang impormasyon ay agad na rumesponde ang mga tauhan ng naturang estasyon kung saan inabot ng mga ito ang suspect na naghahamon ng away sa lugar.

Maingat na sinita ng mga rumespondeng pulis ang suspect na siya namang sumuko ito an hindi na nanlaban pa.

Sa pag-aresto sa suspect ay nakuha sa posesyon nito ang isang paltik na baril (improvised handgun o pen gun) na kargado ng isang bala ng kalibre .45.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police ang suspect na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591(Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Batas Pambansa Bilang 881 (Omnibus Election Code of the Philippines) at Article 155 ng Revised Penal Code (Alarms and Scandals). (James I. Catapusan)