Home NATIONWIDE 20% discount sa CP load, internet para sa students isinulong ni TOL

20% discount sa CP load, internet para sa students isinulong ni TOL

Hangad ang patas na oportunidad sa edukasyon, naghain ng panukala si Senador Francis ‘TOL’ Tolentino na magbibigay ng 20 posyentong diskwento sa mga estudyante para sa digital communication at internet services.

MANILA, Philippines- Para isulong ang kapakanan ng mga estudyante at patas na oportunidad sa edukasyon, naghain ng panukala si Senador Francis ‘TOL’ Tolentino na magbibigay ng 20 posyentong diskwento sa mga estudyante para sa digital communication at internet services.

Tinaguriang “Student Load Discount Act,” ang Senate Bill 2972 ay maggagawad ng 20% diskwento sa mga kwalipikadong estudyante sa pagbili ng mobile load, text, call, at internet services.

Ayon kay Tolentino, layunin ng panukala na ibsan ang gastos ng mga estudyante kaugnay sa digital communication at online resources, na aniya’y naging mahalagang haligi ng sistemang pang-edukasyon nitong mga nagdaang taon.

Saklaw ng panukala ang mga estudyante mula elementarya hanggang hayskul, technical-vocational, at kolehiyo. Hindi naman kwalipikado ang post-graduate students sa naturang programa.

“Nais natin na magtulungan ang gobyerno at telecommunications companies (TELCOs) para maihatid sa mga estudyante ang kanilang mga pangangailangan, at iangat ang antas ng digital literacy sa bansa,” ayon kay Tolentino sa explanatory note ng kanyang bill.

Kailangang magpakita ang estudyante ng valid school ID o proof of enrollment para makakuha ng diskwento. Magagamit nang buong taon ang pribilehiyo, pero dapat siguruhing ito’y istriktong gagamitin lang sa pag-aaral.

Sa kabilang banda, pahihintulutan ng SB 2972 ang TELCOs na humingi ng tax discounts alinsunod sa mga diskwentong kanilang ibibigay sa ilalim ng programa. “Ito ang magsisilbing insentibo para sa mga kumpanya bilang pagsuporta sa edukasyon ng mga kabataan,” aniya.

“Nakasandig ang tagumpay ng programa sa kolaborasyon sa pagitan ng pamahalaan, mga paaralan, at TELCOs. Ang lahat ng ito’y para sa magandang kinabukasan ng ating mga kabataan,” pagtatapos ni Tolentino. RNT