MANILA, Philippines – Umakyat na sa 20 ang bilang ng mga nasawi sa landslide sa landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City, habang 16 pa ang nananatiling nawawala, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Miyerkules.
Pito pang bangkay ang narekober sa landfill hanggang alas-6:30 ng gabi ng Miyerkoles.
Patuloy na nahihirapan ang rescue operations dahil kailangang alisin ang gusot na metal debris, tone-toneladang basura, bumagsak na istrukturang bakal, at tubig upang ligtas na mahanap ang mga natabunan.
Sinabi ni Senior Fire Officer 1 Fulbert Navarro ng BFP Special Rescue Force na delikado ang operasyon dahil sa maruming basura, at kahit maliit na sugat ay maaaring magdulot ng malubhang impeksiyon.
Ayon pa sa mga awtoridad, nasa advanced state of decomposition ang mga bangkay kaya mahirap ang pagkilala sa mga ito.
Kabilang sa mga narekober si 40-anyos na si Kristan Joseph Ople, na ang kapatid na si Rowena ay natagpuan noong Enero 9. Ipinahayag ng kanilang ina na si Daylinda Ople ang matinding pagdadalamhati.
Sa kabila ng paggamit ng life-detecting equipment, sinabi ni Navarro na mahirap pa ring matukoy kung tao o hayop ang pinanggagalingan ng mga signal.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Prime Waste Solutions (PWS) Cebu sa mga apektadong pamilya at sinabing agad itong nakipag-ugnayan sa Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, BFP, at iba pang ahensiya matapos ang insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng sanhi ng landslide ang pinagsamang epekto ng mga lindol at aftershocks noong Setyembre 2025 at ang malakas na ulan na dala ng Tropical Cyclone Tino noong Nobyembre.
Ayon sa PWS Cebu, wala umanong nakitang senyales ng paghina ng landfill cell bago ang insidente at patuloy itong nakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon.
Sinabi rin ng kumpanya na sumunod ito sa cease and desist order ng Department of Environment and Natural Resources at nagbigay ng tulong-pinansyal, kabilang ang gastusing medikal at libing, gayundin ng psychosocial services sa mga apektadong pamilya. RNT