MANILA, Philippines – Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes na walang pananagutan ang Pilipinas sa naging banggaan ng dalawang Chinese vessel nang lumusob sila sa karagatan ng Scarborough Shoal nitong linggo.
Sa katunayan, ang China pa ang may utang sa Pilipinas para sa isa pang mapanganib na banggaan noong nakaraang taon sa ibang bahagi ng West Philippine Sea, giit ng DFA.
“The (Philippines) bears no responsibility for the collision between the PLAN (People’s Liberation Army Navy) vessel and the CCG (Chinese Coast Guard) vessel in Bajo de Masinloc,” ayon sa DFA. “It was an unfortunate outcome, but not one caused by our actions.”
Ang tinutukoy ng DFA ay ang insidente noong Lunes, kung saan hinarang ng mga barko ng China, na kinilala bilang vessel 3104 ng CCG at ship 164 ng PLAN, ang BRP Teresa at BRP Suluan na idineploy para isagawa ang inisyatiba ng “Kadiwa” para tulungan ang mga mangingisdang Pilipino.
Sa isang pagkakataon, tinangka ng mga Chinese vessel na bombahin ng water cannon ang mga barkong Pilipino, ngunit nabigo ito, ayon sa Philippine Coast Guard, na nanguna sa humanitarian mission.
Sa kabila ng panghihimasok ng mga sasakyang pandagat ng China, sinabi ng DFA na nagpaabot ng tulong ang Pilipinas sa mga ito bilang bahagi ng mga obligasyon nito sa mga patakarang pandagat.
Gayunman, nilinaw ni DFA spokesperson Angelina Escalona na hindi pormal na hiniling ng Beijing sa gobyerno ng Pilipinas ang anumang anyo ng kabayaran para sa insidente.
Pinaalalahanan ng departamento ang China na bayaran ang pinsala sa isang supply ship ng Pilipinas at matinding pinsalang natamo ng mga tauhan ng Philippine Navy sa isang marahas na komprontasyon noong Hunyo 17 noong nakaraang taon.
Isang sasakyang pandagat ng CCG ang napaulat na bumangga sa barko ng Philippine Navy na nakatalaga sa Ayungin Shoal.
“The (Philippines) reiterates its demand to (China) for compensation for the damage caused to PHL vessels and equipment on 17 June 2024, as well as the return of its firearms and equipment, and the personal effects of its personnel that were illegally seized on that date,” ayon sa DFA. RNT/MND