MANILA, Philippines – Ipinapawalang-bisa sa Korte Suprema ang nilagdaan ni Pangulong Marcos na ₱6.352-trillion General Appropriations Act (GAA).
Naghain ng 25 pahinang petition for certiorari sina Atty. Vic Rodriguez at Davao City Rep. Isidro Ungab, Rogelio Mendoza, Roseller dela Peña, Benito Ching Jr., Redemberto Villanueva, Santos Catubay at Dominic Solis.
Tinawag nilang iligal at unconstitutional ang 2025 national budget dahil sa mga umano’y iregularidad at blangko na items sa bicameral conference committee report (Bicam).
Inakusahan ng mga petitioner ang Bicam na nakagawa umano ng grave abuse of discretion ng lagdaan ang committee report sa 2025 national budget kahit mayroon umano itong mga blangkong pahina.
Ipinunto ng mga petitioners ang apat na pangunahing argumento na maituturing na nilabag ang 1987 Constitution na may kaugnayan sa protecting and promoting the right to health, in relation to the Universal Health Care Act; Rules on increasing appropriations recommended by the President for government operations as specified in budget; at assigning the highest budgetary priority to education at presentation of bills passed by Congress to the President.
Iginiit pa ng mga petitioner na ang pagtanggal ng budget sa PhilHealth mula sa 2025 GAA ay may hindi magandang epekto sa isinusulong na reporma sa ilalim ng Universal Health Care Act.
Inakusahan din ni Rodriquez ang mga senador at kongresistang hindi tumutol upang maipasa ang national budget na kasabwat umano sa tinawag niyang “biggest money heist.”
Kabilang sa mga respondents sa petitsyun ay ang House of Representatives, Senado at si Executive Secretary Lucas Bersamin. TERESA TAVARES