MANILA, Philippines – MAY 220 Filipino na nakadetine sa United Arab Emirates (UAE) ang pinagkalooban ng pardon kung saan itinaon sa okasyon ng ika-53 National Day ng nasabing bansa.
Kasunod ito ng ginawang representasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kasama ang kanyang UAE counterpart.
Ang liderato ng UAE ay tradisyonal na nagkakaloob ng pardon para ipagdiwang ang kanilang national day noong Disyembre 2 ng nakaraang taon.
Inanunsyo ang pagkakaloob ng pardon para sa mga Filipino noong Disyembre 26, 2024. bilang pagkilala sa pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa.
Direktang resulta rin ito ng pakikipagpulong ni Pangulong Marcos kay Kanyang Kamahalan Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan, Pangulo ng United Arab Emirates, noong nakaraang Nobyembre.
Sa kabilang dako, kasalukuyan namang pinoproseso ng Department of Foreign Affairs at Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang ‘documentary at administrative requirements’ para sa agarang pagbabalik sa Pilipinas ng mga pinoy na pinagkalooban ng pardon.
Ang mga ‘pardoned individuals’ ay nakadetine sa UAE para sa iba’t ibang pagkakasala.
Matatandaang noong Hunyo ng nakaraang taon, may detenidong pinoy sa UAE ang ipinagkalooban din ng pardon para naman sa okasyon ng Eid al-Adha. Kris Jose