SAN GUILLERMO, Isabela – Patay ang tatlong (3) katao habang nasa krikital na kondisyon ang tatlong iba pa dahil sa mga tinamong sugat matapos na masalpok ng pampasaherong bus ang kanilang sinasakyang traysikel sa kahabaan ng National Highway, Brgy. Nappaccu Pequeno, Reina Mercedes, Isabela.
Dakong 9:30 kagabi, Enero 5, 2025 kung saan galing sa isang pasyalan sa bayan ng Reina Mercedes ang traysikel at pauwi na sana sa kanilang lugar nang mangyari ang insidente.
Ang traysikel ay minamaneho ni Marvin Aquino, 58-anyos sakay ang limang (5) pasahero na pawang mga residente ng Brgy. Centro 2, Luna, Isabela habang ang papasaherong bus ay minamaneho ni Julius Camua, 29-anyos na residente naman ng Gonzaga, Cagayan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, parehong patungong Lungsod ng Cauayan ang dalawang behikulo kung saan nabulaga umano ang drayber ng bus kaya aksidente nitong nabangga ang sinusundang traysikel at bahagya rin kasi umanong madilim sa bahagi ng kalsada.
Posible umanong mag-u-uturn ang traysikel batay na rin sa pinsala na natamo nito partikular sa kaliwang bahagi ng motorsiklo.
Sa lakas ng impak, tumilapon sa kalsada ang mga sakay ng traysikel na nagresulta sa pagkamatay nina Felina Naca, 65-anyos, Carol Cadiz, 60-anyos at Josie Viernez, 65-anyos na naideklarang Dead on Arrival (DOA) sa pagamutan.
Habang nagtamo lamang ng mga sugat sa katawan ang drayber ng traysikel at dalawang pasahero na sina Felisidad Sales, 54-anyos at isang menor de edad.
Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang drayber ng bus maging ang mga nasangkot na behikulo para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) in Multiple Homicide, Physical Injuries and Damage to Property. REY VELASCO