Home NATIONWIDE 24 dating hepe ng PNP iniimbestigahan sa pag-eskapo ni Guo

24 dating hepe ng PNP iniimbestigahan sa pag-eskapo ni Guo

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na iniimbestigahan nila ang 24 sa mga dating hepe nito kaugnay ng alegasyon na posibleng tumulong ang isa sa kanila sa pagtakas ni Mayor Alice Guo at ng kanyang grupo.

Sa isang pagdinig ng Senado noong Martes sa mga gambling hub, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Senior Vice President Raul Villanueva na mayroong impormasyon mula sa intelligence community tungkol sa isang dating PNP chief na posibleng tumulong kay Guo.

“Iniimbestigahan natin ang 24 ng ating dating chief PNP. Hindi kami natutuwa sa sinabi niya. Since under oath siya, you have to tell us kasi it affects the whole organization. At tandaan na hindi lang ang buong organisasyon ng PNP. It’s peace and order apektado sa sinabi niya,” ani Marbil sa pagdinig ng Senado sa 2025 budget ng PNP.

Paliwanag niya, kailangan nilang imbestigahan ang lahat maliban na lang kung pangalanan ni Villanueva ang nasabing dating opisyal.

Dagdag pa ni Marbil, wala pa silang natatanggap na ulat mula kay Villanueva, isang retiradong heneral ng hukbo.

“Gumagawa kami ng liham na naka-address kay Heneral Raul Villanueva para pangalanan ang mga pangalan kung sino talaga. Or else you have to clarify sa Senado na wala talaga. Kasi he’s under oath, he has to tell us sino ang pangalan,” dagdag pa ni Marbil.

Sinabi ni Sen. Robin Padilla na mahalagang linawin ang usapin dahil nakakaapekto ito sa pulisya.

Samantala, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na hindi pa niya nakakausap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr tungkol sa isyu.

“Hindi ko alam ‘yang about the chief PNP. Let the PNP chief answer this one about this issue,” ani Abalos patungkol sa kasalukuyang PNP Chief na si General Rommel Marbil. RNT