MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na ang compliance rate sa maximum suggested retail price (MSRP) para sa baboy sa wet markets sa National Capital Region (NCR) ay tumaas dalawang linggo matapos na ipataw ang price control measure.
“Nag-start tayo noong March 10, nasa 6% ang level of compliance… Sa huling datos, nasa 25%,” ang sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa.
Ang MSRP sa baboy, itinakda sa P380 per kilo para sa liempo at P250 per kilo para sa kasim at pigue, naging epektibo noong March 10.
Gayunman, ang mga baboy na mabibili sa supermarkets at hypermarkets ay exempted mula sa MSRP dahil sa mas mataas na operating costs.
Ang MSRP ay ipinataw bilang tugon sa mga hamon na kinahaharap ng pork industry partikular na ang epekto ng African Swine Fever (ASF).
“‘Yung prevailing prices ay unti-unti naman nang bumababa. Ang kasim, ang prevailing price ay nasa P360, pero may nakikita pa rin tayong P420 sa ilang pamilihan… Sa liempo, dapat P380 ang napagkasunduan… Ang prevailing ay P410 pero may nakita tayong P470,” ang sinabi pa rin ni de Mesa.
“Magkakaroon ng investigation para makita kung sino ang umaabuso sa presyuhan… gagamitin ng DA ang mga pwedeng gawin na itinakda ng batas,” dagdag niya.
Pinag-iisipan naman ng DA na ipatupad ang “Pork-For-All” program sa Kadiwa outlets at sa ilang pamilihan kung saan direktang mabibili ang baboy mula sa importers at traders na magbenta ng mas mababang presyo, tulad ng ipinatutupad na “Rice-For-All” program.
Ang ASF outbreak ang naging dahilan ng pagkamatay ng milyong baboy at naging banta sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Matatandaang August 2024, sinimulan ng DA -Bureau of Animal Industry ang paglilitis para sa ASF vaccine para labanan ang paglaganap ng animal disease. Kris Jose