MANILA, Philippines – Tututukan ng House of Representatives sa Second Regular Session ng 20th Congress ang 26 natitirang panukalang batas sa agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council, ayon kay Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos ng First District ng Ilocos Norte.
Kalahati sa 52 prayoridad na panukala ng administrasyon ang naaprubahan at naipasa ng Kamara sa First Regular Session.
“We will work on approving the rest in the course of our Second Regular Session,” sinabi ni Rep. Marcos.
Ayon sa mambabatas, naglalaman ang mga panukala ng structural reforms na susuporta sa mga programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Layunin din umano ng mga ito na gawing mas maayos ang pagpapatupad ng mga batas upang mas madaling mapakinabangan ng publiko ang mga programa at benepisyo ng pamahalaan.
Sa mga natitirang panukala, 21 na ang naaprubahan. Nasa calendar of business naman ang Cybersecurity Act, habang hinihintay ang paghahain ng committee report para sa panukalang magbabawal sa mga kamag-anak ng opisyal hanggang ikaapat na antas na makakuha ng kontrata sa pamahalaan.
Siyam na panukala ang hinihintay ang komento o transmittal sa Committee on Appropriations. Kabilang dito ang modernisasyon ng Bureau of Immigration at civil registration system; amyenda sa Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises; pagpapabilis sa pagtatayo ng mga silid-aralan; reprogramming ng Seal of Good Local Governance; pagpapalawak ng access ng publiko sa impormasyon sa paggasta; disaster risk financing insurance; Magna Carta for Barangay; at master plan para sa infrastructure at national development.
Samantala, 15 panukala ang nasa technical working group o committee deliberations. Kabilang dito ang mga amyenda sa Universal Health Care Act, Rice Tariffication Law, Fisheries Code, Local Government Code, Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, Downstream Oil Industry Deregulation Law, Anti-Money Laundering Act, at party-list system.
Tinatalakay din ang excise tax sa single-use plastics; paglikha ng Independent People’s Commission; batas sa online gambling; general tax amnesty; progressive budgeting reforms; patas na paggamit ng social media, artificial intelligence at internet technology sa halalan; at pag-aatas sa mga civil servant na isuko ang proteksiyon ng bank secrecy. RNT