PASAY CITY — Arestado ang isang babaeng drug suspect sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City police noong Lunes ng tanghali, Abril 29, at nakumpiskahan ng P104,040 halaga ng shabu.
Kinilala ni Pasay City Police Chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspect na si Alyas Babs, 41, walang trabaho, at residente ng Barangay 193, Zone 20, Pasay City.
Base sa ulat na isinumite ni De Sesto sa Southern Police District (SPD), naganap ang operasyon dakong alas 11:30 ng tanghali sa Zone 20, Pasay City.
Sa ikinasang operasyon, narekober mula sa posesyon ng suspect ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng 15.30 gramo ng hinihinalang shabu, na may halagang P104,040; isang weighing scale; Oppo cellular phone; mga drug paraphernalia; at ang P500 na ginamit sa operasyon, kasama ng limang piraso ng tig-P1,000 boodle money.
Ayon kay De Sesto, sa pag-aresto sa suspect, binasahan ito ng kanyang karapatan ayon sa Section 21 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ang mga nakumpiskang droga ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa chemical analysis.
Ang suspect ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SDEU at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA9165 sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan