Home METRO 29 ‘scammer’ kalaboso!

29 ‘scammer’ kalaboso!

MANILA, Philippines- Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pugad ng iba’t ibang scamming activities kung saan naaresto ang 29 katao kabilang ang tatlong Chinese nationals at dalawang Malaysian national sa Kawit, Cavite.

Sa press briefing ng NBI, sinabi ni NBI  director Jaime Santiago na ang operasyon at pag-aresto sa 29 indibdwal ay sa bisa ng isang search warrant  mula sa korte .

Kabilang dito ang 24 iba pang Pinoy sa inaresto sa apat na bahay sa loob ng Grand Centennial Homes sa nasabing lugar.

Ayon kay Santiago, natunton ang operasyon sa lugar dahil na rin sa sumbong ng mga residente na ilang mga bahay ang ginagamit ng isang sindikato bilang scam hubs.

Kabilang sa nabuwag ng NBI  sa operasyon ang romance scams, investment scams, crypto scams, impersonation scams at credential stuffing.

Ibinunyag din ni Santiago na ang operasyon ng grupo ay sa iba’t ibang bansa.

 Natuklsan sa operasyon na isa sa bahay ang nagsilbing “scam showrooms” kung saan makikita ang iba’t ibang mga pekeng produkto at luxury items na ipinalalabas na mga genuine o authentic.

Bukod dito, nasamsam din ng NBI ang ilang electric devices na gamit sa kanilang malawakang operasyon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 at RA12010 o anti-financial account scamming act ang mga suspek na nakakulong ngayon sa detention facility ng NBI.

Tiniyak ni Santiago na hindi titigil ang ahensya sa pagbuwag sa mga aktibidad na may kinalaman sa cybercrimes sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden