Home NATIONWIDE 2K trabaho sa Taiwan alok sa mga Pinoy

2K trabaho sa Taiwan alok sa mga Pinoy

MANILA, Philippines- Nagbukas ang Taiwan ng mahigit 2,000 trabaho na maaaring samantalahin ng mga manggagawang Pilipino, sinabi ng Manila Economic and Cultural Office noong Linggo, Hunyo 2.

Sinabi ni MECO chairman Silvestre H. Bello III na ang mga bakanteng trabaho ay iaalok sa isang espesyal na one-day Job Fair and Career Expo na gaganapin sa Isabela sa Hunyo 7.

Ayon kay Bello, ito ay isang paunang job matching event ng mga kompanyang Taiwanese sa Pilipinas na gagayahin sa ibang lugar sa bansa.

Aniya, balak din na magsagawa ng wide fair sa Metro Manila para sa mga trabaho sa Taiwan bago matapos ang taon.

Nasa 12 Taiwanese employers, recruitment agencies at universities ang tutulak sa Ilagan City upang salain at kapanayamin ang mga aplikante para sa posisyon sa iba’t ibang sektor.

Mayroon ding availabe na trabaho para sa mga tagapag-alaga, at mga scholarship slot para sa mga mag-aaral.

Kabilang sa mga kalahok na employers ay ang I-Mei Foods, isa sa nangungunang food processing at manufacturing companies at SHPT Caretakers.

“All participating agencies and employers will be in Isabela for the job fair. The two companies will conduct the interviews and assessment of applicants online,” sabi ni Bello.

Aniya, ang mga interesadong aplikante ay kinakailangang mag-pre-register sa registration portal ng Department of Migrant Workers at ilagay ang kompanya kung saan nila gustong mag-apply.

Sa portal, nakalagay ang mga kinakailangan at mga kwalipikasyon para sa mga available na trabaho.

Ang mga kalahok na ahensya ay magsasagawa ng pre-screening ng mga aplikante bago ang aktuwal na job fair.

Para sa career expo, hindi bababa sa tatlong unibersidad ang mag-aalok ng mga scholarship sa mga mag-aaral na magiging kwalipikado sa Hunyo 7.

Kabilang sa mga paaralan ang Mingshin University of Science and Technology, Taipei University of Science and Technology at Kunshan University. Jocelyn Tabangcura-Domenden