CEBU CITY- NANGANGANIB na makansela ang driver’s license ng tatlong bus driver matapos magpositibo ang mga ito sa isinagawang random drug testing na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 7, katuwang ang Land Transportation Office (LTO)7, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) 7 at Highway Patrol Group (HPG) 7, Martes, Abril 15, 2025.
Ayon kay Leia Alcantara, information officer ng PDEA 7, isa sa mga nagpositibo ay driver ng mini bus sa South Bus Terminal habang ang dalawa ay driver ng Bus sa North Bus Terminal.
Sumailalim sa screening ang kabuuang 109 bus driver, 54 sa Cebu North Bus Terminal (CNBT) at 55 sa Cebu South Bus Terminal (CSBT).
“Ang urine specimen na may positibong resulta ay isasailalim sa confirmatory test,” ani Alcantara.
Sinabi pa ni Alcantara na ang random drug testing ay bahagi ng Oplan: Harabas, isang inter-agency na paghahanda para sa peak travel period ngayong buwan.
Tinulungan na din ng PDEA-7 Regional Public Assistance Desk Officers ang mga nagpositibo para sa referral ng angkop na drug treatment at rehab programs.
Bukod sa random drug testing, nagsagawa rin ng PUV operational worthiness inspection, at K9 sweeping./Mary Anne Sapico