MANILA, Philippines – Naka-high alert ang Philippine Red Cross (PRC) para sa taunang operasyon ng Semana Santa, kasabay ng inaasahang dagsa ng mga biyahero at pilgrims.
Ayon sa PRC, nagsimula ang kanilang 10-araw na operasyon noong Abril 12 at tatagal hanggang Abril 21. Sa panahong ito, na-deploy ang 1,840 volunteers, 313 staff, sa 375 first aid stations at 137 welfare desks sa buong bansa.
Naka-standby din ang 58 ambulance units, 90 foot patrol teams, 70 roving mobile units, at 40 service vehicles.
Ang mga ito ay nakaantabay sa mga highway, simbahan, pilgrimage sites, terminals, airports, at tourist destinations.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard “Dick” Gordon, maaaring tumawag sa hotline 143 para sa agarang tulong. Hinimok din niya ang publiko na kumuha ng Safe Card, na may kasamang ambulansya, blood unit, at accident-related hospitalization coverage sa halagang ₱1,200 kada taon.
“Ligtas ka na, makatutulong ka pa sa Red Cross,” ani Gordon.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)