Home HOME BANNER STORY 3 CCG ships namataan malapit sa El Nido, Palawan

3 CCG ships namataan malapit sa El Nido, Palawan

MANILA, Philippines- Tatlong barko ng China Coast Guard ang namataan sa layong 35 nautical miles o 65 kilometro sa labas ng El Nido, Palawan noong Linggo ng umaga, na inilarawan ng dating US defense attaché na “concerning ” at “pagpapakita ng lakas” habang patuloy na iginigiit ng China ang pag-angkin nito sa teritoryo ng Pilipinas.

Ayon sa maritime security expert na si Raymond Powell, ang mga barko ng China ay nagmula sa Scarborough Shoal at bumaba sa El Nido noong Linggo ng madaling araw, sa gilid lamang ng tinatawag na nine-dash line ng China, na tinabla ng Permanent Court of Arbitration.

Ang pinakahuling insidente ay matapos lamang ang isang linggo nang mamataan ang isang Chinese research vessel malapit sa Palawan, na ayon sa Philippine Navy ay sumunod sa protocol dahil kailangan nitong maiwasan ang masamang kondisyon ng panahon.

Nanawagan naman sa administrasyon ang isa pang maritime expert na si Jay Batongbacal na kumbinsihin ang ibang bansa sa panawagan sa United Nations (UN), na may 193 member states, na maaring umaksyon.

Noong Sabado, nagawang itaboy ng PCG vessel na BRP Cabra ang isang barkong CCG na mas malayo sa baybayin ng Zambales.

Noong Linggo ng umaga ay isa pang PCG vessel, ang BRP Bagacay, ang pumalit sa Cabra upang mapanatili ang patuloy na pagbabantay laban sa ilegal na presensya ng mga barko ng Chinese Coast Guard sa baybayin ng Zambales, sinabi ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela.

Dalawang linggo lamang ang nakararaan, natukoy ng PCG ang paggalaw ng dalawang barko ng China Coast Guard nasa 34 nautical miles sa baybayin ng Pangasinan, sa loob din ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden