MANILA, Philippines – Bukas pa rin para magpakawala ng tubig ang tatlong dam sa Luzon sa kabila na nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Pepito.
Ang mga dam na ito ay ang Ambuklao, Binga, at Magat.
Hanggang nitong alas-8 ng umaga, ang Ambuklao Dam ay may bukas na limang gate sa laking 2.5 cms, mula sa walong gate na nakabukas nitong Lunes.
Ang lebel ng tubig sa reservoir ay nasa 751.72 metro o malapit pa rin sa 752 metrong spilling level.
May bukas na anim na gate naman ang Binga Dam na matatagpuan din sa Benguet sa tatlong metro. Nitong Lunes, mayroon itong pitong gate na nakabukas sa 7.5 metro.
Ang water level sa reservoir ng Binga Dam ay nasa 575 metro nitong Martes, Nobyembre 19 na nasa spilling level.
Samantala, ang Magat Dam na nasa boundary ng Isabela at Ifugao ay may bukas na apat na gate sa 7.0 metro nitong Martes ng umaga. Mayroon itong tatlong bukas na gate nitong Lunes.
Ang reservoir water level ng Magat Dam ay nasa 191.20 metro nitong Martes, o malapit sa 193 metrong spilling level.
Samantala, wala nang bukas na gate sa San Roque Dam sa Pangasinan at Benguet nitong Martes. RNT/JGC