Home METRO 3 durugista sa Marikina kulong sa P2.2M droga

3 durugista sa Marikina kulong sa P2.2M droga

MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya ang tatlong high-value individual (HVIs) at nakumpiska ang humigit-kumulang P2,244,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Tumana, Marikina City noong Huwebes, Nobyembre 7.

Kinilala ng Eastern Police District (EPD) ang mga suspek na sina “Khalil,” “Amrex,” at “Jemaira.” Nahuli ang mga ito kasunod ng isinagawang operasyon bilang bahagi ng walang tigil na pagsisikap ng EPD na puksain ang operasyon ng iligal na droga sa Metro East.

Nasamsam sa operasyon ang 20 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 330 gramo ng shabu.

“Ang aming pinag-isang pagsisikap at pagsusumikap ay muling nagbunga. Ang accomplishment na ito ay nagbibigay-daan sa amin na matigil ang malaking operasyon ng iligal na droga ng mga sindikato ng droga at makapagligtas ng mga inosenteng buhay,” sabi ni EPD officer-in-charge Police Col. Villamor Tuliao.

Kasalukuyang nakakulong ang mga naarestong suspek sa Marikina Custodial Facility at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.

Dagdag pa ng EPD, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon para matunton ang iba pang posibleng drug personalities sa lugar.

Hinimok naman ni Tuliao ang komunidad na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad gamit ang Law Enforcement Reporting Information System (LERIS) para sa agarang pagresponde ng pulisya. RNT