MANILA, Philippines – Nagtala ang NCR Provincial Office (NCRPO) ng tatlong insidente ng indiscriminate firing sa Metro Manila, ayon kay Police Major Hazel Asilo.
Isa sa mga suspek ay isang pulis, habang dalawa ay sibilyan.
“Lahat naman ay arrested ang mga suspek. Isa ang pulis, dalawa ang civilian,” sabi ni Asilo sa Super Radyo dzBB.
Nauna rito, isang 28-anyos na patrolman ng Maritime Group ang naaresto matapos magpaputok ng baril sa harap ng tatlong menor de edad sa Barangay Sun Valley, Parañaque City, dahil sa ingay at paggamit ng paputok.
Ayon kay Asilo, hindi na nagseselyo ng baril ang PNP upang hindi maapektuhan ang kanilang response time, pero may iilang pulis pa rin na hindi nakokontrol ang sarili.
“Wala nang pagseselyo ng baril dahil naniniwala ang aming PNP chief na sapat ang propesyonalismo ng ating mga pulis para umiwas at hindi mag-indiscriminate firing. Pero may ilang pagkakataon na mayroon pa ring mga sumasablay o hindi napipigilan ang kanilang sarili,” dagdag niya.
Wala pang iniulat na banta sa kaligtasan ng publiko sa Metro Manila, ngunit patuloy ang NCRPO sa pagbabantay ngayong bagong taon.
Kasabay nito, bumaba ang insidente ng pagnanakaw at panloloob, ngunit tumaas naman ang online scams, kabilang ang online shopping scams, ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center at Scam Watch Pilipinas. RNT/MND