MANILA, Philippines- Nadakip ng mga tauhan ng Baclaran police Sub-Station at ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Paranaque City police ang tatlong suspek na tinaguriang mga most wanted person (MWP) sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon nitong nakaraang Biyernes, Setyembre 13.
Ayon kay Paranaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante, unang nadakip ng mga miyembro ng Baclaran police Sub-Station ang suspek na nahaharap sa kasong carnapping dakong alas-2 ng hapon sa 1535 Opena Street, Barangay Baclaran, Paranaque City.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Paranaque City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Regina Paz A. Ramos-Chavez ng Branch 274 ay naaresto ang suspek na may rekomendasyong piyansa sa halagang P300,000.
Sumunod namang inaresto sa bisa ng warrant of arrest na isinilbi ng mga miyembro ng WSS ang Top 5 MWP suspect na nahaharap sa kasong rape.
Inaresto ang rape suspect sa ilalim ng paglabag sa Article 266 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng RA 8353 bandang alas-4 ng hapon sa Himlayang Palanyag, Tramo III, San Dionisio, Paranaque City sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Paranaque City RTC Presiding Judge Jaime Mendoza Guray ng Branch 260 na walang kaakibat na rekomendasyon ng piyansa.
Sa sumunod na isinagawang operasyon naman na isinagawa ng mga tauhan ng WSS dakong alas-6:20 ng gabi ay naaresto sa bisa din ng warrant of arrest na inisyu ni Paranaque City RTC Presiding Judge Moises Domingo De Castro ng Family Court Branch 10 ang ikatlong suspek na may kaakibat na fixed bail sa halagang P960,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nadakip ang ikatlong suspek sa Paranaque City Hall, Barangay San Antonio, Paranaque City na nahaharap sa 12 counts ng RA 7610 o ang paglabag sa Special Protection of Children against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police habang naghihintay ng court order para sa paglipat ng kanilang piitan sa Parañaque City jail. James I. Catapusan