MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 2,000 pamilya ang nawalan ng tirahan sa matinding sunog na tumupok sa tenement area sa Aroma Compound sa Tondo, Maynila noong Sabado.
Nagsagawa ng wellness check ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod upang matiyak na natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong indibidwal, ayon sa isang pahayag noong Linggo.
Namahagi din ng mga maiinit na pagkain at damit ang lokal na pamahalaan.
Inuna ang waste disposal o ang pagtatapon ng basura mula sa mga nasunog na kabahayan.
Ilang mga biktima ng sunog ang pinili na maglagay ng makeshift tent sa kahabaan ng Road 10, Mel Lopez Boulevard at Maginoo Street sa halip na manatili sa tatlong evacuation centers kabilang ang covered court ng Barangay 105 at 106 at General Vicente Lim Elementary School, na nagsuspinde ng mga klase noong Lunes.
Dahil sinuspinde ang klase sa naturang eskwelahan, magsasagawa naman ng makeup classes, ayon sa Manila Public Information Office.
Personal na nagtungo si Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto sa lugar upang makita ang kalagayan ng mga nasunugan.
Nagsimula ang sunog ng alas-11 ng umaga noong Sabado na tumagal ng halos 13 oras bago tuluyang naapula.
Itinaas sa Task Force Bravo ang sunog kung saan maging ang Philippine Air Force 505th Search and Rescue Brigade ay tumulong na rin gamit ang Bambi Bucket upang magbuhos ng tubig sa malaking sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden