Home METRO 3 patay sa salpukan ng mga sasakyan

3 patay sa salpukan ng mga sasakyan

TUPI, South Cotabato- Patay ang tatlong katao matapos magsalpukan ang kanilang sasakyan sa General Santos-Koronadal Highway sa Polonuling sa bayang ito noong Huwebes.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ralph Anthony Zabala, 35-anyos at si Hernando Carl Cortez, 26-anyos, sakay ng kulay itim na Mazda pick-up truck at Louzel Defino, 40-anyos, driver ng pulang Kia Bongo na may kargang isda.

Batay sa report ng Tupi Municipal Police Station, bandang alas-4 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Barangay Polonuling ng nasabing bayan ng Tupi.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, kapwa binabaybay ng dalawang sasakyan ang national highway nang bigla na lamang umanong mag-overtake sa kasunod na trailer truck ang Mazda na minamaneho ni Zabala.

Matulin ang takbo ng Mazda kaya hindi na naiwasan pa ang kasalubong na si Defino na nagresulta ng malakas na salpukan.

Halos nawasak ang mga sasakyan ng mga biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan matapos magtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan. Mary Anne Sapico