Home METRO May-ari ng bar patay sa pamamaril

May-ari ng bar patay sa pamamaril

BACOLOD CITY- Pinagbabaril-patay ang may-ari ng bar ng mga hindi pa kilalang suspek sa labas ng convenience store noong Huwebes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Elson Casalan Cepeda, 48, residente ng East Homes 2, Barangay Estefania, Bacolod City.

Batay sa report ng Police Station 4 , bandang alas-4:20 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa labas ng convenience store sa Sofia Gonzaga Street Barangay Estefania, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima sa kanyang sports utility vehicle kasama ang pamilya galing sa kanilang bar at pauwi na sana ang mga ito.

Napadaan ang mga ito sa isang convenience store kaya huminto ang biktima para bumili ng pagkain subalit paglabas nito ay saka siya pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang suspek.

Tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang mabilis na tumakas ang mga suspek.

Ayon sa pulisya, bukod sa pagmamay-ari ng biktima ay nasa buy and sell business din ito.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo s krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agarang ikadarakip. Mary Anne Sapico