Vehicles are parked next to a building damaged following a deadly fire, in Mangaf, southern Kuwait, June 12, 2024. REUTERS/Stringer
MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na tatlong overseas Filipino workers (OFWs) ang namatay sa sunog sa isang gusali sa Kuwait nitong Miyerkules ng umaga, Hunyo 12.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac na ang tatlo na nasawi dahil sa pagkalanghap ng usok, ay kabilang sa 11 na OFWs. Lahat ay nagtatrabaho sa parehong Kuwaiti construction company na nakatira sa gusali na nasunog.
Dalawa pang OFW ang nananatili sa ospital at nasa kritikal na kondisyon, habang ang natitirang anim ay ligtas at walang pinsala.
Inatasan ni Secretary Cacdac ang Migrant Workers Office sa Kuwait (MWO-Kuwait) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Office na makipag-ugnayan sa kanilang pagsisikap sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait (PE-Kuwait) sa ilalim ni Ambassador Jose Cabrera para sa pagpapauwi sa labi ng tatlong mga manggagawa.
Sa ulat ni Cacdac, personal silang nakikipag-ugnayan ni OWWA Administrator Arnell A. Ignacio sa lahat ng pamilya at kamag-anak ng 11 OFW.
“We are in touch with the families of all the affected OFWs, including the families of those two in critical condition and the families of the three fatalities. Six of them are now safe and provided with their immediate needs. We will provide all the necessary assistance and support to the OFWs and their families in this difficult time as directed by the President,” sabi ni Secretary Cacdac.
Iniulat ng mga awtoridad ng Kuwait na nagsimula ang sunog bandang alas-4:30 ng umaga noong Miyerkules, Hunyo 12, 2024 (9:30 ng umaga, Oras sa Manila) sa gusali na nagsilbing pasilidad ng pabahay at dormitoryo para sa mga dayuhang manggagawa sa pinagtatrabahuhan na Kuwaiti construction company.
Ang gusali ay nasa al-Mangaf, sa baybaying timog ng Kuwait City. Jocelyn Tabangcura-Domenden