MANILA, Philippines – NAGPAHATID ng tulong pinansyal si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa Quirino Province nitong Huwebes (Hunyo 13) para sa mga kapus-palad na residente ng lalawigan.
Mahigit sa 2,000 na benepisyaryo ang nakatanggap ng tulong mula kay Revilla sa pakikipagtulungan ng DSWD.
Kinatawan si Revilla ni Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP) President Ram Revilla habang nagpapagaling sa natamong Achilles rupture at operasyon ang Senador, na walang patid pa rin ang pagtulong sa mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Ang aming hangad lamang ay mabigyan ang ating mga kababayan ng tamang tulong na kanilang nararapat makuha mula sa pamahalaan. Sana’y makatulong ito sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan patungo sa mas maunlad na pamumuhay.
“Dedikasyon po namin na kumustahin ang ating mga kababayan at hatiran ng tulong. Ito ay tungkulin namin, at hindi kami titigil sa pagtulong,” sabi ni Sen. Revilla
Samantala, pinangunahan ng true-blooded Caviteño Senator Ramon Bong Revilla, Jr. ang selebrasyon ng 126th anniversary ng Philippine Independence Miyerkules June 12 sa Dambana ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
“Daang taon man ang lumipas, hindi malilimutan ang dakilang sakripisyo ng ating mga ninuno….. ito ay tatanawin nating utang na loob sa kanilang nag-alis ng tanikalang bumihag sa ating inang bayan, sa kanilang nag-alay ng dugo at buhay upang makamtan ang mga tinatamasa nating kasaganaan, kapayapaan at kalayaan.”
“Kasaysayan ang testigo sa mga landas na ating tinahak, at ito na rin mismo ang saksi sa katotohanang hindi bago sa atin ang mga pag-subok.
Ngunit anumang hagupit ng tadhana…..isang bayang hindi na muling magpapagapi,” sabi ni Revilla. RNT