Home METRO 3 sasakyan nagbanggaan; 2 sugatan

3 sasakyan nagbanggaan; 2 sugatan

MANILA, Philippines- Sugatan ang dalawang indibidwal, kabilang ang isang American national, sa salpukan ng tatlong sasakyan sa Quezon City nitong Sabado.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), kinilala ang mga sangkot na driver na sina Thadeus Sandoval, 49; Sunwong Yu, 74; at Joshua Rañola, 32.

Naganap ang insidente bandang alas-6:10 ng umaga sa intersection ng Kamias Road at Kasing-Kasing Street sa Barangay East Kamias.

Sangkot sa salpukan ang isang mini dump truck, isang sedan, at isang hatchback.

Base sa mga pulis, minamaneho ni Rañola ang mini dump truck sa kanlurang direksyon sa Kamias Road, mula sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) at patungo sa Anonas Road.

Paglapit niya sa intersection, bumangga ang kanang harap ng kanyang truck sa kaliwang bahagi ng hatchback ni Sandoval.

Kumakaliwa si Sandoval sa Kamias Road mula sa isang gasoline station, patungo sa EDSA.

Kasunod ng inisyal na banggaan, patuloy na umusad ang truck at bumangga sa gilid na sedan ni Yu sa Kasing-Kasing Street.

Dahil sa impact, napunta ang sedan sa gilid ng kalsada at bumangga sa steel railing.

Lahat ng mga sasakyan ay napinsala.

Sugatan si Sandoval at ang American national at dinala sa kalapit na ospital upang magamot.

Ayon sa mga awtoridad, magsasampa ng kaso kapag nakalap na lahat ng ebidensya. RNT/SA