Bulacan – Arestado ang tatlong lalaking nagwasak ng bahay at nagnakaw ng mga mahahalagang gamit sa bahay ng matandang babae sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Sa report ni PLTCOL Reyson Bagain, Acting chief of police ng SJDM police station, kinilala ang mga suspek na sina alyas Sherwin, JP at Miguel.
Ayon sa report, naganap ang panloloob bandang 2:00 hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Setyembre 16, sa San Jose Del Monte Heights, Brgy. Muzon East.
Nabatid na winasak ng mga suspek ang pinto ng bahay ng biktimang 74 anyos na lola at tinangay ang laman ng limang balik-bayan box at iba pang personal na gamit na aabot sa halagang P100,000.
Nang palabas na ang mga suspek ay nakita sila ng isang testigo na agad nagsumbong sa mga barangay tanod na rumesponde sa lugar kaya nahuli ang mga ito.
Narekober ng mga awtoridad ang mga personal na gamit ng biktima sa mga suspek na nahaharap sa kasong robbery habang nasa kustodiya ng istasyon. Dick Mirasol