Home METRO 3 utas sa lunod at kuryente; 1 nawawala sa Calabarzon

3 utas sa lunod at kuryente; 1 nawawala sa Calabarzon

253
0

LUCENA CITY — Tatlong katao ang nasawi habang isa pa ang nawawala sa magkakahiwalay na insidente sa Rizal, Cavite, at Batangas noong Martes, matapos ang pananalasa ng habagat.

Ayon sa ulat ng pulisya ng Calabarzon nitong Miyerkules, isang 16-anyos na babae na kinilalang si “Lyka” ang nalunod sa ilog sa Barangay Calibuyo, Tanza, Cavite matapos maligo kasama ang mga kaibigan kahit may babala ukol sa malakas na agos at masamang panahon.

Bandang alas-4 ng hapon, natagpuan ng Philippine Coast Guard ang katawan ni Lyka sa ibang bahagi ng ilog na nakasabit sa mga water lily.

Ayon sa pulisya, walang palatandaan ng foul play sa katawan ng biktima.

Samantala, sa Tanay, Rizal, natagpuan naman ng isang mangingisda ang bangkay ng isang batang lalaki na tinatayang nasa edad 7 hanggang 12 anyos na palutang-lutang sa lawa sa Barangay San Isidro bandang alas-10:40 ng umaga.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ito rin ang batang naiulat na nawawala matapos ang isang insidente ng pagkalunod sa bayan ng Morong.

Isasailalim sa post-mortem at autopsy ang katawan upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay.

Sa San Mateo, Rizal, isang 20-anyos na lalaki na kinilalang si “Ralph” ang nakuryente bandang alas-9 ng umaga habang inaayos ang mga yero sa bubong ng kanilang bahay sa Barangay Sta. Ana na nasira ng pagbaha.

Aksidente umanong nadikit ni Ralph ang isang live wire mula sa poste ng kuryente. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.

Sa Nasugbu, Batangas naman, isang 35-anyos na lalaki na si “Romel” ang nawawala matapos tangayin ng agos ng ilog habang nangingisda kasama ang bayaw sa Barangay Reparo bandang alas-3:45 ng hapon.

Tinangkang tumawid ni Romel sa kabilang panig ng ilog ngunit hindi na ito muling lumutang. Tinangka siyang sagipin ng kasama ngunit nabigo dahil sa lakas ng agos.

Patuloy ang search and rescue operations upang siya ay mahanap./Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here